DI ISUSUKO | Malacañan – nilinaw na hindi gagawing collateral ang soberanya ng bansa para sa mga loan sa China!

Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi isusuko ng Pilipinas ang soberanya nito bilang collateral sa papasuking loan agreement ng bansa sa China.

Sa harap ito ng babala ng amerika na ginagamit ng China ang “debt diplomacy” para mapalawak pa ang impluwensya nito sa buong mundo sa pamamagitan ng mga infrastructure loan agreement na China lang din naman ang makikinabang.

Sabi ni Presidential Spokesman Saldavor Panelo – walang kinalaman ang territorial dispute issue sa West Philippine Sea sa naturang loan agreement.


Iba na rin aniya ang relasyon ng bawat bansa ngayon kung saan lahat ay nagkakaisa dahil na rin sa posibleng banta sa seguridad bunsod ng terorismo.

Matatandaang sinabi rin ng China na walang developing country ang mahuhulog sa “debt trap” nang dahil lang sa pakikipagtulungan sa Beijing.

Bagama’t una nang tiniyak ni Finance Secretary Carlos Dominguez na hindi makokompromiso ang soberanya ng bansa, pag-aaralan pa rin daw nila ang nasabing loan agreement.

Ngayong araw, dumating sa bansa si Chinese President Xi Jinping kung saan nasa sampung financing deals ang inaasahang pipirmahan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments