Manila, Philippines – Pumalag ang Philippine National Police (PNP) sa panawagan ng human rights watch na magkaroon ng independent commission na mag-iimbestiga sa mga krimeng kinasasangkutan ng ilang pulis.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, hindi na ito kailangan dahil puspusan na ang kanilang paglilinis sa kanilang hanay.
Aniya, mahigit 100 na ang nahuhuli ng intelligence task force kung saan siyam sa mga ito ay napatay sa operasyon.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng PNP Region 7 ang umano ay pagkakasangkot ng ilang aktibo at retiradong pulis sa kaliwa’t kanang pagpatay sa lungsod ng Cebu.
Matatandaang naitala noong Oktubre 5 ang 14 na insidente ng pagpatay kung saan siyam rito ay bunga ng police anti-drug operation habang lima ang umano ay engkwentro sa pagitan ng mga pulis at sindikato ng droga.