Manila, Philippines – Aminado ang Palasyo ng Malacañang na hindi na masaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na postponement ng pagsisimula ng rehabilitasyon ng Marawi City.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, naiinip na si Pangulong Duterte dahil isang taon na ang nakalilipas ay hindi parin nagsisimula ang mga proyekto ng Pamahalaan para maibalik sa dating ganda ang Marawi City.
Pero sinabi ni Panelo na hindi din naman maiiwasan na magkakaroon ng mga delay sa groundbreaking dahil isang masalimuot na proseso ang pagpili ng kumpanyang kokontratahin ng gobyerno para sa rehabilitasyon.
Sa October 28 na aniya gagawin ang Groundbreaking Ceremony na dapat ay ginawa kahapon kasabay ng anibersaryo ng liberation ng Marawi mula sa kamay ng Maute Group.
Binigyang diin naman ni Panelo na ang hindi pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa selebrasyon ng paglaya ng Marawi ay hindi nangangahulugan na hindi interesado ang Pangulo sa okasyon bagkus ay puno lang ang Schedule ng Pangulo.