Cauayan City, Isabela- Walang pangingiming isiniwalat ng militar ang mga nabistong impormasyon o confidential files mula sa Reynaldo Piñon Command (RPC) New People’s Army partikular sa hindi patas na hatian sa perang nakokolekta sa Lalawigan ng Isabela.
Sa programang Sentro Serbisyo ng 98.5 iFM Cauayan, sinabi ni Sgt. Rex Salibad ng 95th Infantry Battalion na ilan sa mga nakitang impormasyon mula sa laman ng external hard disk drive na isinuko ni Ka Marlboro, squad leader ng Kilusang Larangang Gerilya-Central Front na nagbalik loob sa pamahalaan noong 2019 ay mga datos sa distribusyon ng pera sa mga Kadre at mga rebeldeng nasa laylayan.
Base sa nakitang datos, umaabot sa halagang 3.95 milyong piso sa kada tatlong buwan ang inilalabas sa bangko ng kanilang finance officer na si Marvie Valencia alyas ‘Ida’ mula sa kanilang mga isinagawang extortion activities sa Isabela.
Nabatid na ang mga Kadre o matataas na opisyal ng NPA ang nakakakuha ng malalaking halaga mula sa 3.9 million pesos gaya ng nagngangalang Agnes o alyas Sari, isa sa pinakamataas na personalidad sa legal front organization sa Cagayan Valley na umaabot sa halagang Php1,131,360.00.
Sumunod sa may pinakamalaking nakuha ay si Alyas Say, Kadre sa Rehiyon na nakapagbulsa ng P.6 milyong piso na sinusundan ni Alyas Yuni ng Regional Sentro De Gravidad sa halagang Php530, 550.00, pang-apat si Ka Bang na may Php450,000.00 habang ang kanilang finance officer na si Ida ay nasa halagang Php350,000.00.
Ibinahagi rin ni Sgt. Salibad na mayroon pang mga Kadre ang nakinabang sa 3.9 milyong pisong extortion money na mas mababa na lamang sa mga nakukuha ng mga naturang Kadre at mula sa P3.95 milyong piso ay pitong (7) porsiyento lamang nito ang napupunta sa mga armadong grupo.
Bukod dito, mayroon pang mga Kadre ang hindi pa nagreremit ng kanilang nakolekta gaya ng isang Kumander na si Jay Valencia o alyas Dolfo, Roan, Damian.
Ayon pa kay Sgt Salibad, nakakalungkot aniyang isipin na ang malaking bahagi ng perang nakokotong o tinatawag na revolutionary tax ay napupunta sa mga opisyal ng NPA habang ang kaunting porsiyento lamang ang pinaghahatian ng mga hukbo o mga nasa mababang pwesto.
Nagpapatunay lamang aniya ito na talagang may talamak na korapsyon sa kilusan ng mga rebeldeng grupo.
Kaugnay nito, masusi nang iniimbestigahan ng pamunuan ng 5ID ang mga nabanggit na pangalan ng mga opisyal ng NPA na nagsasagawa ng pangingikil sa Lalawigan ng Isabela.