Manila, Philippines – Naniniwala ang Department of Education na hindi mabuti ang panukala na ibalik sa kanila ang kapangyarihang suspindihin ang klase sa mga pampublikong paaralan sa tuwing mayroong kalamidad na tatama o may sama ng panahon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones sa briefing sa Malacañang kanina ay sinabi nito na hindi magiging mabilis ang DepEd sa pagalam kung ano ang sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kaling mayroong sinasalanta ng kalamidad.
Binigyang diin ni Briones na mas magiging epektibo ang mga lokal na pamahalaan sa pagsuspinde sa pasok sa kanilang mga nasasakupan dahil mas alam nila ang sitwasyon sa kanilang mga lugar at mas mabilis nitong malalaman ang sitwasyon bago magdesisyon o mag suspinde ng pasok sa mga paaralan.
Matatandaan na dati nang hawak ng DepEd ang kapangyarihang mag suspinde ng klase sa mga pampublikong paaralan pero ibinigay na ito ng pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan at naglatag narin ng standard na panuntunan kung saan dedepende sa storm signal number ang pasok sa bawat lebel ng klase.