
Muling nagdaos ng dialogue forum hinggil sa desisyon ng Korte Suprema at sa paghahanda para sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Institute for Autonomy and Governance at Independent Election Monitoring Center, katuwang ang Commission on Elections (Comelec).
Layunin nitong magkaisa ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lider ng Bangsamoro upang bumuo ng malinaw na roadmap para sa halalan bago ang Marso 31, 2026.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mahalagang magpatuloy ang paghahanda lalo’t sa kasalukuyan ay nakaangkla pa rin ang kanilang mga hakbang sa magiging aksyon ng Bangsamoro Parliament, dahil hindi maipapatupad ang halalan kung wala pang batas na ipag-uutos dito.
Tiniyak naman ni Garcia na matutuloy ang halalan sa rehiyon at ang ginagawang dialogue ay patunay na may halalan na gaganapin para sa mga mamamayan ng Bangsamoro, kahit hindi pa matukoy ang eksaktong petsa sa ngayon.
Plano rin ng poll body na isagawa ang susunod na dialogue sa Maguindanao o Marawi upang mas mapalapit sa mga mamamayan ang proseso at hikayatin ang partisipasyon ng mga residente.









