Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang isang grupo mula sa Dumagat Tribe kaugnay ng nangyaring diarrhea outbreak sa Rizal at Quezon matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding.
Ayon kay Kakay Tolentino, tagapagsalita ng Network Opposed to Kaliwa, Kanan and Laiban Dams, posibleng nakontamina ang tubig sa Agos River dahil na rin sa konstruksyon ng mga dam sa Sierra Madre.
Aniya, sa dami ng mas malalakas na bagyong tumama sa kanilang lugar ay ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng diarrhea outbreak.
Kaugnay niyan, nanawagan si Tolentino sa mga ahensya ng gobyerno na payagan silang magsagawa ng medical investigation upang malaman ang totoong dahilan ng outbreak.
“Ang konstruksyon ng dam ay matagal naman nang usapin at hindi lang Kaliwa kasi yung ginagawang konstruksyon. Kaya ‘yung pag-pollute ng tubig hindi pa naman masabing direkta na sila ang dahilan pero ito po yung gusto naming bigyan ng pruweba sa pamamagitan ng medical investigation,” ani Tolentino sa interview ng RMN DZXL 558.
“Sinabi ng LGU ng Tanay na amoeba, yung ganyan, syempre, yun yung lilitaw pero ang gusto nating kunin, ano yung dahilan kasi ngayon lang nangyari yan e,” dagdag niya.
Sa ngayon, anim na ang nasawi sa diarrhea sa Barangay Lumutan, General Nakar habang sampu pa ang ginagamot sa iba’t ibang ospital.
Samantala, nanindigan naman ang mga katutubong Dumagat na hindi sila aalis sa kanilang mga tirahan sa harap ng patuloy na pagsusulong sa konstruksyon ng mga dam.
Giit ni Tolentino, hindi sila kailanman binigyan ng blueprint ng konstruksyon ng Kaliwa Dam at wala ring konkretong plano para sa kanilang relokasyon.
Hindi rin aniya sila papayag na mailipat sa grassland area sa Antipolo, Rizal na una nang iniaalok sa kanila ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Yun yung problema namin na kinahaharap ngayon dito sa konstruksyon ng Kaliwa Dam dahil simula’t sapul ayaw kaming bigyan, partikular ng MWSS, ng blueprint para malaman namin paano gagawin yan. Concerning naman doon sa plano, dapat nakalagay doon yung resettlement plan pero hindi nila inilalatag sa’min ang konkretong larawan para sa resettlement,” paliwanag niya.
“Bukod sa resettlement, nagkakagulo pa rin yung mga kasamahan sa komunidad dahil sa kwestiyonableng proseso ng pre-prior inform consent,” saad pa ni Tolentino.
Aminado rin si Tolentino na hindi sila bukas sa anumang relokasyon dahil simula’t sapul ay nakadepende na sa Sierra Madre ang kanilang kabuhayan.
Nabatid na nasa 3,500 pamilya ng mga katutubong Dumagat ang nakatira sa Sierra Madre.