Lumagda ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Commission on Elections (COMELEC) sa isang memorandum of agreement para magkatuwang na tiyaking magiging maayos at kapani-paniwala ang idaraos na eleksyon sa May 9, 2022.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DICT ay magbibigay ng cloud hosting sa online services ng COMELEC.
Kabilang dito ang registration status verifier, precinct finder, online voter certification application at ang national at local election results website.
Ang mga nasabing serbisyo ay makatutulong sa COMELEC para mabawasan ang mga botante na hindi makaboto dahil nahihirapan na hanapin ang kanilang presinto.
Nagsasagawa rin ng vulnerable assessment and penetration testing ang DICT sa mga online services ng COMELEC.
Ito’y upang masiguro ang seguridad sa mga imprastraktura kung saan gagamitin ang cloud hosting.
Sa pamamagitan ng cloud hosting at cybersecurity measures, magkaroon ng transparency sa resulta ng national at local election sa Mayo at magiging madali at ligtas para sa mga botante ang pagboto.
Umaasa naman si DICT acting Secretary Emmanuel Caintic na sa pakikipagtulungan ng DICT sa COMELEC ay ma-maximize ang paggamit sa teknolohiya at mapapadali ang gagawing pagboto sa araw ng halalan.