DICT, dinoble ang gagawing imbestigasyon sa umanoy personal data leak

Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na sinisikap na nilang tuntunin sa pamamagitan ng kanilang Philippine National Computer Emergency Response Team (NCERT) ng Cybersecurity Bureau, ang napaulat na umano’y personal data leak sa mga record ng Philippine National Police (PNP).

Sinimulan ng NCERT ang imbestigasyon sa umano’y paglabag matapos makatanggap ng mga link sa isang Azure blob storage na naglalaman ng mga sample na larawan ng mga ID, kabilang ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) clearances, mula sa isang security researcher noong Pebrero 22, 2023.

Sa nasabing security researcher, hindi ibinunyag sa NCERT ang pinagmulan ng data at kung anong asset ng impormasyon ang nakompromiso.


Inulat ng NCERT ang insidente hinggil sa pagkakaroon umano ng breach sa PNP at NBI sa pagitan ng Marso 3-23, 2023.

Itinuturing ng DICT ang insidente bilang isang matinding alalahanin na nagbabanta sa pagiging kumpidensyal, integridad, at privacy ng data ng user.

Tiniyak ng departamento sa publiko na ang pagsisiyasat sa usapin ay masusing isinasagawa.

Nais ding paalalahanan ng kagawaran ang lahat ng ahensya ng gobyerno na dagdagan ang mga hakbang sa cybersecurity at makipag-ugnayan sa DICT upang makatulong sa pag-secure ng kani-kanilang mga cyber asset.

Facebook Comments