Kumpiyansa ang Department of Information and Communications Technology (DICT)na malaki ang naging pagbabago pagdating sa bilis ng internet sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DICT Undersecretary Emmanuel Caintic na humaharap lamang sila ngayon sa ilang problema sa pagpapatayo ng mga cell towers dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Pero sa kabila nito, target aniya ng gobyerno na palakasin ang fiber internet sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga digital infrastracture upang dito na kumonekta ang iba’t ibang service providers.
Kasunod niyan, nanawagan din si Caintic sa mga Local Government Units na huwag nang pahirapan ang mga naglalatag ng fiber internet lalo na’t ito aniya ang nagpapadelay sa pagpapabilis sana ng internet sa bansa.
Batay sa international data speed monitoring firm na OOKLA nitong Hunyo, umabot na sa 66.55 megabits per second (MBPS) ang average speed sa ating fixed broadband na mas mabilis ng 6.82 MBPS kumpara sa naitala noong Mayo.