DICT NAGBABALA SA ONLINE SCAMS NGAYONG PASKO

 

Cauayan City — Nagpaalala ang Department of Information and Communications Technology sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga online scam ngayong holiday season sa ilalim ng kampanyang “Oplan Paskong Sigurado: Stay Scam-Free Holiday Season.”

Ayon sa ahensya, tumataas ang insidente ng panlilinlang tuwing Pasko dahil sa dagsa ng online shopping at digital transactions.

Pinayuhan ng kagawaran ang mga mamimili na gumamit lamang ng lehitimong paraan ng pagbabayad, i-verify ang mga online seller sa pamamagitan ng reviews, at panatilihing naka-activate ang two-factor authentication sa kanilang mga account.

Mahalaga rin umanong i-screenshot ang lahat ng resibo at usapan bilang ebidensya sakaling magkaroon ng problema.

Nagbabala rin ang ahensya laban sa karaniwang red flags tulad ng kahina-hinalang link sa social media na nangangako ng mamahaling premyo, pekeng online seller na may presyong “too good to be true,” at mga mensaheng humihingi ng pera o load mula sa umano’y kaibigan o kamag-anak na maaaring na-hack ang account.

Hinimok ng DICT ang publiko na agad i-report ang mga kahina-hinalang insidente at Christmas-related scam sa kanilang opisyal na website na www.dict.gov.ph, upang maiwasan ang mas maraming mabiktima at masigurong ligtas ang pagdiriwang ng Pasko.

Source: Department of Information and Communications Technology

Facebook Comments