
Cauayan City – Nasagip ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang 16-anyos na dalagita sa isinagawang operasyon sa Angadanan, Isabela na biktima ng Online Voyeurism.
Pinangunahan ng Santiago City Cyber Response Team ang operasyon katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Angadanan, na nagresulta sa agarang pagresponde at pagsagip sa biktimang kinilalang si “Xela”.
Ayon sa ulat, hinihinalang biktima ang menor de edad ng paglabag sa Republic Act No. 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, kaugnay ng probisyon ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Matapos ang operasyon, agad na inilipat ang biktima sa pangangalaga ng MSWDO ng Angadanan para sa psychological assessment, masusing pagsusuri, at kinakailangang interbensyon.
Ang pagkakasagip sa biktima ay bunga ng patuloy na kampanya ng PNP-ACG sa kaligtasan ng mga bata laban sa online abuse at anumang uri ng cyberbullying.
Patuloy naman na pinalalakas ng PNP-ACG, katuwang ang iba pang ahensya, ang mga hakbang upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga kabataan laban sa mga krimeng may kaugnayan sa teknolohiya.










