Siniguro ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi basta-basta mapepeke ang ilalabas na unified vaccination certificate.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DICT Usec. Manny Caintic na ang Department of Health (DOH) ang magiging tagapangalaga ng mga datos at tutulungan lamang sila ng DICT.
Aniya, ang DOH lamang ang source ng private information ng bawat indibidwal at ito ay may private key encrypted kaya’t hindi basta-basta makukuha ang mga impormasyon.
Sa ngayon, ongoing ang training nila sa mga Local Government Unit (LGU).
Sinabi pa nito na dito sa Metro Manila at kalapit na lalawigan ay walang masiyadong problema dahil mabilis na naisusumite ang mga datos sa ahensya.
Ang mayroon lamang aniyang delay ay yung mga LGU na halos kakaumpisa pa lamang ng vaccination.
Ang unified vaccine certificate ay ibibigay sa mga fully vaccinated individuals upang mas maging madali ang pagberipika sa kanilang vaccination status.