Digital disbursement ng second tranche ng SAP, sisimulan na sa susunod na linggo

Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang digital disbursement ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) cash aid sa susunod na linggo.

Batay ito sa Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan ng DSWD at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, isasagawa ang digital electronic disbursement sa pamamagitan ng transaksyon sa banko o e-money accounts.


Kabilang sa e-bank partners ng DSWD ay ang GCash, PayMaya, Union Bank, RCBC, Starpay, at Robinsons Bank.

Sinabi naman ni Bautista na umabot na sa P52 milyon ang naipamahagi nila sa 9,391 waitlisted beneficiaries mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 at 3.

Nabatid na 11 lugar ang sakop ng ikalawang bugso ng SAP na kinabibilangan ng Region 3, maliban sa Aurora; National Capital Region (NCR); Calabarzon; Benguet; Pangasinan; Iloilo; Cebu Province; Bacolod City; Davao City, Albay Province at Zamboanga City.

Facebook Comments