Tiniyak ni Committee on Science and Technology Chairman Senator Alan Peter Cayetano na bibigyang atensyon ng Senado ang mga panukala para sa pagpapalakas ng digital infrastructure ng bansa.
Kasabay na rin ito ng panawagan ng ilang grupo na aksyunan na ng Senado ang panukalang Open Access in Data Transmission Act sa pagbabalik ngayon ng sesyon.
Ayon kay Cayetano, nauunawaan nila ang kahalagahan ng nasabing panukala at seryoso ang Senado na mapalakas ang internet connectivity sa bansa na pinaniniwalaang susi sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Personal umano niyang itutulak ang kaparehong panukala na magsusulong ng availability ng internet lalo’t nitong pandemya ay ipinakita na dapat accessible sa internet ang bawat Pilipino.
Kabilang sa mga panukalang ito ang Smart Philippines Act, at Mobile Application Para sa Pilipino Act (Mobile A.P.P.).
Ang Smart Philippines Act o Senate Bill No. 298 ay tumitiyak sa accessible at abot-kayang internet para sa lahat ng mga Pilipino habang ang Mobile A.P.P o Senate Bill No. 67 ay layong bumuo ng isang mobile application na kayang i-access ng lahat ng Pilipino at magagamit sa pagitan ng mga ahensya, tanggapan, at unit ng gobyerno.