
Bilang bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang palawakin ang pagkuha ng hustisya sa bansa at mas mapalapit ang serbisyong legal sa mga mahihirap na Pilipino inilunsad ng Korte Suprema ang Unified Legal Aid Service (ULAS) Portal Phase 1.
Ang nasabing portal ay isang digital platform na binuo upang gawing mas sistematiko, maayos, at transparent ang pag-mo-monitor sa mandatory pro bono legal services ng mga abogado.
Sa pamamagitan nito ay mas madali ng maisusumite ang compliance reports at mas maayos na masusubaybayan ang pagtupad ng mga miyembro ng bar sa kanilang obligasyon.
Kasabay nito, nilagdaan na rin ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng ULAS Office at ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), Commission on Human Rights (CHR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) upang palakasin ang referral system para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, ang access sa paghahanap ng hustisya ay nananatiling isa sa pinakamakaking hamon kaya’t marami ang nahaharap sa mga ligal na isyu pero maliit na porsyento lang ang nakakakuha ng wastong legal assistance.
Sa pamamagitan ng ULAS portal, sinabi ng Chief Justice Gesmundo na mas marami pang mahihirap at marginalized na Pilipino ang inaasahang makikinabang sa libreng serbisyong legal.









