Digital transformation ng PNP, umarangkada na

Nagsimula na ang “digital transformation” ng Philippine National Police (PNP) para makasabay sa “new normal” dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Archie Gamboa.

Aniya, simula ngayong araw aktibo na ang PNP One Network at PNP Email System, sa kabila ng pagkansela ng launching ceremony nito bilang pagsunod sa mga health protocols.


Paliwanag ni Gamboa na sa pamamagitan ng One Network System, ang lahat ng tanggapan ng PNP sa buong bansa ay konektado na sa pamamagitan ng “digital backbone”.

Pagmamalaki pa ni Gamboa na ang kanilang One Network System ay isa sa lamang sa lima na katulad ng autonomous government networks sa buong Pilipinas, na kahanay ng network ng Department of Finance (DOF), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Department of Science and Technology (DOST).

Aniya sa pamamagitan ng PNP Email System, ang bawat pulis ay magkakaroon ng permanenteng official email address sa kanilang network.

Maari aniya itong gamitin para ma-access ang lahat ng personnel transaction documents tulad ng special orders, medical records, training certificates, at mga official announcements at notices.

Matatandaang inanunsyo ni Gamboa na gagawin ng digital o online ang karamihan sa mga operasyon ng PNP para mabawasan ang physical contact at makaiwas sa pagkahawa sa sakit ang kanilang mga tauhan.

Facebook Comments