Digitalization at pagpapalakas ng ICT sa mga public school, lusot na sa komite ng Kamara

Pasado na sa House Committee on Basic Education and Culture ang unnumbered substitute bill ng House Bill No. 311 para sa modernization at digitalization ng mga pampublikong paaralan.

Ang mabilis na pag-apruba sa panukala ay kasunod na rin ng hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang Information Communication Technology (ICT) sa mga public schools sa buong bansa at sa pagtatatag ng Public Education Network (PEN).

Sa ilalim ng panukalang “Establishing the Public Schools of the Future in Technology” na ini-akda ni Albay Rep. Joey Salceda, binibigyang mandato ang mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng isang Inter-Agency Task Force na ihanda ang curriculum, physical at digital infrastructure sa mga pampublikong paaralan gayundin ang teaching skills ng mga guro para sa digital economy.


Nakasaad din sa panukala na lahat ng mga pampublikong eskwelahan sa bansa ay lalagyan ng internet access upang maalis na ang dibisyon sa pagkatuto ng mga mag-aaral at maitaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kasama rin sa panukala ang pag-develop ng Department of Education (DepEd) ng e-learning resources at pagpapaigting pa sa private-public partnership upang mas mapabilis ang pagiging digital-ready ng mga public schools.

Facebook Comments