Lumilipat na sa ‘new normal’ ang iba’t ibang sector ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng digitalization at technological advancements sa mga transaksyon.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang kanilang road transport, railways, maritime at aviation sectors ay nagiging digital na para malimitahan ang physical intervention alinsunod sa health at safety measures na ipinapatupad sa gitna ng global pandemic.
Pagtitiyak ni Tugade na ang pampublikong transportasyon ay hindi magiging “transmission vector” ng COVID-19.
Sa road sector, inilunsad ang Public Transport Online Processing System (PTOPS) kung saan gagawing online na ang mga transaksyon sa pamamagitan ng cashless payments.
Ang Land Transportation Office (LTO) ay magpapatupad na rin ng digital transactions sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) kung saan ipoproseso ang application para sa pagre-renew ng lisensya, revision ng records, request para sa Certificate of No Apprehension.
Ipatutupad na rin ang Automatic Fare Collection System (AFC) sa taxi at ride-hailing services gamit ang mobile payment applications.
Hinihikayat na rin ang paggamit ng Radio Frequency Identification (RFID) tags sa lahat ng Public Utility Vehicle (PUVs) na gagamit ng tollways at expressways.
Sa railway sector, magkakaroon na ng online reservations o pagbili ng ticket kung saan maaaring gamitin ng mga pasahero ang kanilang cards o iba pang digital payment options.
Palalawakin din ang paggamit ng artificial intelligence para sa massive scanning at temperature profiling, automated contact tracing, human-to-human contact detection o detection ng social distancing violations.
Maglulunsad na rin ng automated passenger ticketing system sa maritime sector na pangungunahan ng Philippine Ports Authority (PPA) kung saan ang pilot testing ay inaasahang ilulunsad sa fourth quarter ng 2020.
Magkakaroon din ng centralized vessel tracking at port surveillance system na tinatawag na National Port Monitoring Center para sa pagbabantay ng vessel at iba pang port acitivities bilang bahagi ng border control.
Ikinukunsidera naman ang paggamit ng Visual Air Traffic Control (ATC) Tower sa aviation sector.