Inirekomenda ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang ‘digitalization’ upang masawata ang korapsyon partikular sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng komite, na ang BOC at BIR ay kabilang sa mga ahensya ng gobyerno na “problematic” at “corrupt”.
Inusisa ni Gatchalian ang mga ahensya kung anong reporma ang maaaring ipatupad nang sa gayon ay mapagbuti nila ang kanilang pagseserbisyo.
Tugon ni Diokno, ang ‘digitalization’ ang susi para malabanan ang katiwalian sa mga ahensya.
Katunayan aniya ay marami nang nagawa ang dalawang ahensya noong nakaraang administrasyon at ang kanilang maipapangako ay mas lalong pagbutihin ang pagbibigay serbisyo.
Para naman kay BIR Commissioner Lilia Catris Guillermo, bukod sa digitalization na makapagpapabago sa imahe ng BIR kasama rin sa kanilang tututukan ang moral transformation ng mga empleyado sa pamamagitan ng mga webinars at trainings.
Ipinagmalaki naman ni Customs Deputy Commissioner Edward James Dy Buco na halos wala nang physical transactions ang BOC at kabilang aniya sila sa mga unang ahensya na nagpatupad ng ‘paperless transactions’ o pakikipagtransaksyon gamit ang online.