Digitalization ng pamamahagi ng ayuda ng DSWD, dapat ipaloob sa 2023 budget

Iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda na maisama sa 2023 national budget ang pagpopondo sa digitalization ng pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ang mungkahi ni Salceda ay kasunod ng naging hamon sa DSWD sa pagsisimula ng pamamahagi ng kanilang student aid program.

Bunsod nito ay itutulak ni Salceda na magkaroon ng probisyon sa bubuuing 2023 general appropriations bill para sa isang digital transformation program para sa DSWD, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Bangko sentral ng Pilipinas (BSP).


Paliwanag ni Salceda, sa pamamagitan nito, ay bubuo ng isang digital transformation and user experience unit para i-digitize ang record ng DSWD, i-upgrade ang client service at solusyunan ang butas sa pagpapatupad ng social welfare programs ng ahensya.

Ayon kay Salceda, ipinapasa parati sa DSWD ang social benefit component o pamamahagi ng mga assistance ngunit hindi naman ito natutulungang palakasin ang kapasidad para mapadali ang pagpapaabot ng ayuda.

Mahalaga rin para kay Salceda na tumulong ang ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng SSS at PhilHealth sa pagbabahagi ng kanilang database, National ID ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa targeting at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa payment system.

Facebook Comments