Cauayan City, Isabela- Inaasahang malaki ang ginhawa ng publiko sa Lalawigan ng Quirino sa usapin ng konsumo sa kuryente sakaling maaprubahan ang isinusulong na pagtatayo ng Diduyon Hydro-Electric Power Project.
Ayon kay Gov. Dakila Carlo ‘DAX’ Cua, ito ay layong mapababa ang konsumo sa kuryente ng mga Quirinian subalit kinakailangan pa rin ang tulong ng national government para sa pondo na gagamitin sa pagtatayo ng nasabing proyekto.
Bukod dito, inihayag din ni Cua ang usapin ng farm to market roads na kinakailangang makumpleto para sa mas mabilis na transportasyon ng publiko sa probinsya.
Ipinagmalaki pa ng gobernador ang sapat na suplay ng bigas sa probinsya maging ang malagong tanim na gulay at mais habang may kakayahan din na magsuplay sa labas ng rehiyon ang lalawigan dahil sa malagong ani ng mga pangunahing tanim na gulay.
Giit pa nito, maituturing na ideal safe-based for food production ang lalawigan dahil sa ilang ipinagmamalaking maunlad na produksyon ng prutas, mais, low-land at upland vegetables maging ang kape at cacao production.
Sa kabila ng pandemya, abala ang lalawigan sa pagbuo ng master plan sa planong pagtatayo ng modernized tourism facilities.
Tinitiyak naman ni Cua na magkakaroon ng positibong aksyon ang lahat ng ito ng paunti-unti para sa mas maunlad na Probinsya ng Quirino.