Manila, Philippines – Itinalaga na bilang bagong speaker ng kamara de representantes si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kapalit ng napatalsik na si dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sa 244 kongresistang present sa plenaryo, 184 ang bumoto para gawing bagong lider ng Kamara si Arroyo at 12 naman ang hindi bumoto.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles, inulit nila ang naging proseso ng botohan para sumunod sa proseso.
Una nang naantala ang pagkakahalal kay Arroyo nang may mag-mosyon na kongresista na suspindihin ang sesyon para sa gaganaping SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, itinuloy pa rin ang sesyon matapos na mag-adjourn ang joint session ng Kamara at Senado at kahit nawawala ang mace na siyang simbolo ng pag-call ng order ng sesyon.
Sa interview ng RMN DZXL Manila, kinumpirma ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza na linggo ng gabi ng mag-usap usap ang mga kongresista upang patalsikin si Alvarez sa pwesto.
Kahapon lang aniya ng umaga ng mabuo ang desisyon sa pangunguna ng super majority coalition.
Ayon kay Atienza, ang pagiging diktator, solohista at walang respeto ni Alvarez ang dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.
Inihalimbawa ni Atienza ang pagsusulong ni Alvarez ng no-elections sa susunod na taon gayon hindi naman ito ang gusto ng nakararaming kongresista.
Sa pagkakahalal ni Arroyo bilang speaker siya ang kauna-unahang babae at dating Pangulo na naging lider ng Kamara.