Dilaw na tubig mula sa gripo, normal kapag may interruption – Maynilad

Image via Facebook/Awel Moto

Hindi dapat mabahala ang customers sa dilaw na tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo, ayon sa Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad)

Paglilinaw ng West Zone concessionaire, normal ang nasabing kulay tuwing nagsasagawa ng water interruption.

“Ito ay normal na nangyayari kapag tayo ay nagkakaroon ng water service interruption kasi natutuyo ang ating tubo. Ito po ay mineral deposits na nakakabit doon po sa lining ng tubo,”  ani Grace Laxa, tagapagsalita ng Maynilad.


Dagdag pa nito, kapag bumabalik ang supply, nagkakaroon ng pressure ang tubig at nadadala ang mga mineral deposits hanggang sa naitutulak na ito palabas.

Payo ng Maynilad, patuluin muna ang mga tubig na may mineral deposits mula sa mga gripo at gamitin matapos ang ilang segundo.

“Lagyan natin ng puting tela ‘yung bunganga ng ating mga gripo o patiningin muna natin. Pag malinaw na, puwede na,” sabi ni Laxa.

Pagtitiyak ng ahensiya, malinis ang mga tubig galing sa kanila dahil potable ito at nagkaroon sila ng testing sa lugar na sinasakupan ng Maynilad.

“Ito ay sinisiguro naming malinis pero pinapaalala ko na hanggang meter lang kami kasi yung papasok sa ating mga bahay di namin masisiguro,” pahayag ni Laxa.

Facebook Comments