Hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na imbestigahan ang impormasyong isiniwalat ng sumukong hitman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa.
Matatandaang October 17 nang sumuko sa mga awtoridad ang hitman sa Lapid slay case na si Joel Estorial dahil sa takot at konsensya sa nagawang krimen.
Pero kasabay ng pagsuko nito ang impormasyon na mula sa New Bilibid Prison ang utos na patayin si Lapid.
Umapela si Villanueva sa DILG at BJMP na magkasa ng pagsisiyasat tungkol sa nasabing impormasyon at agad na magsampa ng kaso base sa findings ng gagawing imbestigasyon.
Sinabi ng senador na ang malinaw aniya sa ngayon ay dahil hawak na ng PNP ang hitman sa pagpatay sa brodkaster ay indikasyon ito na malapit nang maresolba ang murder case.
Buo aniya ang tiwala ng Senado sa liderato ng PNP na matatapos ang kaso at mapapanagot sa batas ang mga may sala.
Ang pagkamit sa hustisya para sa pamilyang Mabasa ang paraan para maiparamdam sa mga mamamayan at sa mga kasapi ng media na ligtas at pinoprotektahan sila ng mga alagad ng batas.