Nakahanda ang Department of the Interior and Local Government na ibigay ang pinakamahusay na legal na depensa sa mga miyembro ng Philippine National Police na nakibahagi sa ibat ibang operasyon sa Negros Oriental na nagresulta sa pagkasawi ng 14 na sinasabing rebeldeng New People’s Army (NPA) at pagka aresto ng 12 na iba pa.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bibigyan nila ng pinaka mahusay na abogado ang mga police officers at personnel para sila ay ipagtanggol sa kakaharapin nilang mga kaso kaugnay ng nangyaring shoot out.
Ipinagtanggol ng DILG Chief ang PNP laban sa alegasyon na masaker ang nangyari.
Ani Año, ito ay isang malinaw na isang uri ng disinformation at propaganda campaign ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga front organizations sa harap ng matitibay na ebidensya na magpapatunay na lehitimong engkwentro ang naganap.
Aniya, nakahandang harapin ng PNP ang lahat ng imbestigasyon kabilang na ang isasagawa ng Commission on Human Rights.
Umapela si Año sa publiko na huwag kondenahin ang mga pulis.
Hindi aniya ang pulis ang kontrabida dito kundi ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho para sugpuin ang krimen at panatiliin ang kapayapaan sa komunidad.