Sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na maaaring mag-realign ng pondo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para makapag-rehire ng nasa 35,000 na mga contact tracers.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Avisado na notification lamang ang kailangan mula sa DILG at agad itong aaksyunan ng DBM.
Sinabi pa ni Avisado na hindi na aakyat pa kay Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin dahil siya mismo bilang DBM chief ay maaari nang aprubahan ang nasabing fund realignment.
Matatandaang una nang sinabi ng DILG na 15,000 na contact tracers lamang mula sa 50,000 ang kaya nilang ire-hire dahil sa limitadong pondo.
Nabatid na napaso na ang kontrata ng mga kinuhang contact tracers noong December 31, 2020.
Mahalaga ang mga contact tracers sa paglaban ng bansa kontra COVID-19 upang maagapan ang pagkalat ng virus lalo na ngayong may bagong variant ang COVID-19.