Binigyan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng limang araw ang 10 alkaldeng ‘missing in action’ sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Rolly para magpasa ng kanilang paliwanag.
Ito ay kasunod mag-isyu ang ahensya ng show cause orders laban sa mga ito noong November 3.
Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, ang mga alkalde ay mula sa Eastern Visayas, Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA, Central Luzon at National Capital Region.
Hindi pa maaaring isapubliko ang pangalan ng mga ito bilang bahagi ng due process.
Ang mga alkalde ay posibleng maharap sa kasong administratibo sa Office of the Ombudsman kabilang ang negligence, dereliction of duty, grave o simple misconduct.
Sa ilalim ng Oplan Listo ng DILG, ang mga local chief executive ay kailangang gawin ang kanilang tungkulin bago, habang at pagkatapos ng kalamidad kung saan kinakailangan ang kanilang presensya.
Bahagi ng kanilang trabaho ay ang pag-convene sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), prepositioning ng relief packs, paglalatag ng evacuation centers para makamit ang zero casualties.
Ang DILG ay nakipagtutulungan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang ahensya ng gobyerno para magbigay ng assistance sa mga Local Government Units (LGUs).