Kulang ang pwersa ng pambansang pulisya sa Cebu City dahilan upang mag-deploy doon ng karagdagang pwersa ng militar.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na base na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kinakailangang ipatupad ng mahigpit ang quarantine measures sa Cebu City upang ma-contain ang virus.
Ayon kay Año, tutulong ang militar sa mga pulis sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine protocols at ang papayagan lamang lumabas ay isang myembro ng pamilya na bibili ng kanilang essential needs.
Target din nilang magdagdag ng mga medical health worker dahil marami sa mga doktor at nurse sa Cebu City ay tinamaan na rin ng COVID-19.
Magdadagdag din aniya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng isolation facilities upang ma-declog ang mga ospital at tanging mga severe cases na lamang ng COVID-19 ang mananatili sa mga ospital.
Magkakaroon din ng accommodation ang mga medical workers nang sa ganun ay hindi na nila maikalat pa ang virus pag-uwi nila sa kanilang pamilya.
Paliwanag ni Año, ang Cebu City ang kanilang tututukan sa ngayon matapos makapagtala doon ng higit 5,000 kaso ng COVID-19 dahilan para isailalim muli ang siyudad sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).