DILG Chief, iginiit na Ombudsman o Sangguniang Panlalawigan lamang ang makapag-sususpinde kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo

Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., na wala itong kapangyarihan na magpataw ng preventive suspension sa isang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Tanging Ombudsman o Sangguniang Panlalawigan lamang aniya ang may kakayahan para dito.

Ito’y matapos sumagot sa isang katanungan tungkol sa posibleng preventive suspension kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na kinukuwestiyon ang pagkakakilanlan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm.


Gayunman, nauna nang ipinag-utos ni Abalos na tanggalan ng kapangyarihan si Guo na pangasiwaan ang kapulisan sa kaniyang nasasakupang bayan.

Ayon sa kalihim, partikular sa binigyan niya ng direktiba ay ang National Police Commission (NAPOLCOM) para sa withdrawal ng deputization ng alkalde na maaaring ipatupad ngayong linggo.

Alinsunod sa Napolcom Memorandum Circular (MC) No. 99-010, na nagtatakda ng awtoridad sa mga alkalde na pangasiwaan at kontrolin ang mga police units sa kani-kanilang lungsod o probinsya, kabilang ang direktang pag-employ at pag-deploy ng PNP units at personnel.

Facebook Comments