DILG, dinipensahan ang Manila Bay Clean-up and Rehabilitation; Mga kritisismo, tinawag na wala sa lugar

Nagsalita na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at dinipensahan ang Department of the Environment and Natural Resources (DENR) matapos umani ito ng batikos sa paglalagay ng dinurog na dolomite sa baybayin ng Manila Bay malapit sa Baywalk strip sa Roxas Boulevard.

Sa isang statement, tinawag ni DILG Secretary Eduardo Año na siya ring tumatayong Vice Chairman ng Manila Bay Task Force na wala sa lugar ang mga ibinabatong batikos sa DENR.

Sinabi ng kalihim na ang dolomite ay pangkaraniwang materyal na ginagamit sa beach nourishment ng mga resort sa bansa at maging sa ibang bansa.


Aniya, mismong Department of Health na ang naglinaw na ang dolomite na tinambak sa Baywalk ay mas malaki kaysa sa dust material kaya hindi ito mapanganib sa tao.

Nilinaw naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na taliwas sa ipinapahayag ng mga kritiko na P389 million ang ginastos sa proyekto, P28 million lang ang alokasyon dito.

Package cost na aniya ito ng pinagsamang presyo ng dinurog na dolomite sand, transportation cost o delivery mula Cebu patungong Manila Bay, binayarang buwis, at iba pang bayarin.

Kinuha naman aniya ito ng DENR sa special purpose fund ng 2019 General Appropriations Act na laan para sa Manila Bay rehabilitation.

Facebook Comments