Kung sa tingin ng mga estudyante na makakapaglakwatsa sila sa mga malls, mga pamilihan at matataong lugar ngayong suspindido ang klase, siguradong mabubulilyaso ito.
Gagamitin na kasi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pulisya upang kontrolin ang galaw ng mga lakwatserong estudyante.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bagama’t walang pasok sa mga eskwela, inaasahan nila ginagawa ng mga kabataan ang kanilang mga homework.
Una nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na magtatakda sila ng home assignments o performance tasks upang maging produktibo ang mga estudyante sa panahong wala silang klase.
Apela ng DILG Chief sa mga magulang, disiplinahin at subaybayan ang kanilang mga anak upang manatili na lamang ang mga ito sa loob ng bahay.
Ani Año, kung kukunsintihin din ng mga magulang na maglalakwatsa ang kanilang mga anak, mababalewala ang layunin ng class suspension.
Ito ay ang pagpapatupad ng preemptive na aksyon upang hindi na kumalat sa labas ng Metro Manila ang virus.