DILG, handa na para isailalim sa good governance training ang mga newly-elected officials

Handa na ang Department of Interior and Local Government (DILG) para sanayin ang may 17,754  bagong halal at re-elected local government officials upang maging epektibong local government leaders.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, gagawin ito sa pamamagitan ng training arm nito na Local Government Academy.

Layon ng programa na mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga newly-elected officials o maging ang mga datihan nang pulitiko sa pamamahala ng kanilang bayan o lungsod.


Binigyang halimbawa nito ang nanalong 29 taong gulang na first term city mayors na si Pasig City Mayor-elect Vico Sotto  at ang 22 taong gulang na si Mayor-elect Arth Bryan Celeste ng Alaminos City at iba pa.

Sa kabuuang 17,754 local officials na nahalal noong Mayo 13 national and local midterm elections, 81 dito ay governors, 81 vice-governors, 780 provincial board members, 145 city mayors, 145 city vice-mayors, 1,628 city councilors, 1,489 municipal mayors, 1,489 municipal vice-mayors at 11,916 municipal councilors sa buong bansa.

Hinihintay lamang ng DILG na maproklama ang lahat ng nanalo sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad bago opisyal na pasimulan ang neo program ngayong buwan.

Facebook Comments