DILG, handa sakaling may manabotahe sa BOL plebiscite

Handa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sakaling mayrong “peace spoilers” o grupo na nais manabotahe sa pagdaraos ngauong araw ng plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bagaman at itinuturing ang BOL na susi sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, hindi sila magpapakakampante dahil maaring gamitin ito na oportunidad para maghasik ng karahasan ang komunistang grupo, ilang terrorist at extremist groups at ang mga anti-BOL factions na maaring manggulo upang pigilan ang mga botante na magtungo sa mga polling precincts.

Ayon sa DILG chief, nakalatag na ang nasa 20,384 na pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para magpanatili ng kalagayang panseguridad sa ARMM at sa mga lungsod sa Isabela at Cotabato.


Sampung libong pulis at sundalo ang idineploy sa iba’t-ibang polling precincts.

Naka-standby naman ang mga PNP Special Action Force at mga pulis galing ng PNP Calabarzon at Central Luzon sakaling mangailangan ng dagdag na puwersa.

Pinaghahanda rin ang mga PNP officers na magsilbing board of election inspectors sa oras na kailanganin ng sitwasyon.

Una nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat higpitan ang seguridad sa panahon ng BOL plebiscite upang matiyak na ang boses ng taumbayan ang mananaig.

Facebook Comments