Handa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na sumunod sakaling pormal na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mandatory vaccination sa mga empleyado ng gobyerno.
Sa ‘Talk to the Nation’ noong Lunes ng gabi, matatandaang sinabi ng pangulo na ikinokonsidera niyang gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa bansa at nagbantang gagamit ng police power para obligahin ang publiko na magpabakuna.
Uunahin itong ipatupad sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na kung tatanggi ay hindi na dapat pang magtrabaho sa gobyerno.
Sa interview naman ng RMN Manila, sabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III na hihintayin na lamang nila ang ilalabas na guidelines hinggil dito.
“Well, aasa po kami sa guidelines, pagmumulan [ng guidelines] ang Department of Health kasi more or less sila po ang nakakaalam,” ani Densing.
“Medyo teknikal po ang bakuna pero kami po, ‘pag lumabas na ‘yang guidelines na ‘yan, kami po ay susunod,” dagdag niya.