DILG, ikinalugod ang mataas na kumpiyansa sa COVID vaccine; LGUs, hinimok na palakasin ang ilang social mobilization

Itinuturing ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na welcome development ang 51% na kumpiyansa ng mga Pilipino sa COVID vaccine batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, isa itong signipikanteng pagtaas kung ihahambing sa 32% na naitala noong 2020.

Malaki aniya ang naitulong ng pagtutulungan ng national at local governments, ng medical community, at iba pang stakeholders upang bigyan ng sapat na impormasyon ang publiko sa kapakinabangang makukuha sa pagbabakuna.


Patunay aniya rito ang 229,600 vaccinations na nagagawa kada araw sa buong bansa.

Dahil dito, hinikayat ng DILG ang mga Local Government Unit (LGUs) na palakasin pa ang kanilang social mobilization sa antas ng barangay.

Maari aniyang magsagawa ng mas maraming house-to-house o mobile registration para sa mga walang internet connection o gadgets na magamit para makapag-register online.

Maari rin aniyang hingin ang tulong ng homeowners associations at ibang community-based organizations para sa pinaigting na education at registration campaign.

Kasama rin dito ang pagsasagawa ng vaccination town hall meetings kung saan may doctors at medical experts na magpapaliwanag kaugnay sa benepisyo ng vaccination.

Facebook Comments