Ikinatuwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng may 50 dating komunistang rebelde sa Region 10.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga naturang dating komunistang rebelde ay nakatanggap ng kabuuang P13.8 milyong halaga ng tulong at firearm remuneration mula sa pamahalaan, sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) nito.
Mayroon ding kabuuang 183 surrendered firearms ang na-demilitarized na.
Sa mga isinukong mga armas, 160 ang mula sa Bukidnon Province, lima ang mula sa Lanao del Norte, anim ang mula sa Misamis Oriental at 12 ang mula sa Cagayan de Oro City.
Batay pa sa DILG, ang mga kuwalipikadong E-CLIP beneficiaries ay makakatanggap ng cash assistance kabilang na ang P50,000 livelihood assistance; P15,000 para sa mobilization expenses; at firearms remuneration na katumbas ng halaga ng mga isinuko nilang mga armas.
Layunin ng E-CLIP na bigyan ng insentibo ang mga komunistang rebelde na sumuko at matulungan silang makabalik sa kanayunan, bilang bahagi ng anti-insurgency at terrorism campaign ng pamahalaan.
Matatandaang kamakailan lamang, may 100 miyembro at supporters ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko na rin sa pamahalaan sa ilalim ng naturang programa.