DILG, inaatasan ang PNP na arestuhin at kasuhan ang mga corrupt local officials sa SAP distribution

Pinakilos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang mga nakarating na sumbong sa kanila kaugnay ng anomalya sa distribusyon ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ginawa ni DILG Secretary Eduardo Año, ang direktiba kasunod ng pagkakaaresto sa barangay kagawad sa Hagonoy, Bulacan na hinati o nangumisyon sa SAP cash assistance na ipinamahagi sa mga maralita nilang benepisyaryo.

Ayon kay Año, kahiya-hiya ang inasal ni Barangay Kagawad Danilo Flores ng Barangay San Agustin dahil sa halip na tulungan ang kaniyang mga kababayan sa gitna ng COVID-19 siya mismo ang nanamantala sa mga ito.


Binigyan diin ng kalihim na ang SAP ay kinuha mula sa kaban ng bayan bilang ayuda sa mga salat sa buhay at walang kabuhayan sa gitna ng COVID-19 crisis kaya hindi ito dapat ibulsa ng sinumang opisyal ng lokal na gobyerno.

Nagbabala ang DILG chief na hindi niya papayagang na maulit ang pangyayari at tiniyak na may kalalagyan ang mapapatunayang umaabuso sa panahong may public health emergency.

Nakabantay na ngayon ang taumbayan na hindi masikmura ang nakasanayang pambubulsa ng mga ayuda sa tao.

Mismong si Pangulong Duterte ang nag-alok ng ₱30,000 na reward sa sinumang makakapag-dokumento sa matiwaling gawain ng kanilang mga local officials ngayong panahong may COVID-19.

Maari na ngayong magbigay ng umbong o impormasyon gamit ang hotline na 8888.

Facebook Comments