Nananatili pa rin sa ‘moderate risk’ ng COVID-19 ang National Capital Region (NCR).
Sa press briefing ng Department of Health (DOH), sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nangangahulugan itong hindi pa maaaring ibaba sa Alert Level 2 ang NCR.
Aniya, dapat munang bumaba sa 7 ang Average Daily Attack Rate (ADAR) ng NCR bago luwagan ang alert level sa rehiyon.
Sa ngayon, nasa 7.4 ang ADAR o ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa kada 100,000 populasyon sa Metro Manila.
Pero ayon kay Vergeire, inabisuhan na nila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng gobyerno na maghanda sa posibleng pagbababa sa Metro Manila sa Alert Level 2 sa Nobyembre.
“Hindi po dapat natin antayin na dumating tayo sa Alert Level 2 tsaka tayo maghahanda. Ngayon pa lang lahat n LGUs were instructed, prepare already because we are seeing cases declining in all parts of the country except for some na medyo nandyan pa rin sila sa high risk classification,” pahayag ng DOH Undersecretary.
“So how do we prepare? So kailangan po very capable ang local government to do the PDPIR plus response kasi kapag tiningnan natin ang alert level restrictions maluwag na po iyan.”
Kasabay nito, umapela si Vergeire sa publiko na manatiling sumunod sa health protocols at magpabakuna para matiyak na hindi magkakaroon ng surge pagkatapos na magluwag.