Binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na dapat sumunod pa rin ang lahat sa minimum public health protocols lalo na ang pagsusuot ng face mask.
Ito ay sa kabila ng inilabas na executive order sa Cebu na nagsasabing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga well-ventilated area o sa open spaces.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Usec. Diño na ang pagsusuot ng face mask ay nakapaloob sa Bayanihan Act na kapwa dumaan sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Aniya, ang naturang batas ay dapat na ipatupad sa lahat ng lungsod, munisipalidad maging sa bawat barangay.
Nanindigan din si Diño na kanilang ipatutupad ang pagsusuot ng face mask hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.
Mahalaga aniya itong gawin lalo na’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 at mga subvariant nito.