Pinatitiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na hindi malalagay sa health risks at iba pang panganib ang mga taong nagpupunta sa mga vaccination sites habang mayroong pagbaha o malakas na buhos ng ulan dala ng Habagat.
Naglabas ng direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa mga governor, mayor at punong barangay para siguruhing maayos at hindi baha sa vaccination sites upang hindi ma-expose sa ibang sakit ang mga nagpapabakuna.
Ani Año, hindi dapat hayaan ng mga Local Government Units (LGU) na mahirapan ang mga nakatatanda o senior, may karamdaman at mga Person with Disabilities (PWD) na nagtutungo sa mga vaccination sites.
Pinagpapagawa rin ng DILG ng sistema ang mga lokal na pamahalaan para hindi sabay-sabay ang pagpunta ng mga tao sa vaccination site at masunod pa rin ang physical distancing.
Nauna rito, nadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa nakitang pagpila sa baha ng mga magpapabakuna sa Lungsod ng Maynila.
Ayon sa pangulo, dapat ay inilipat ng LGU sa mas ligtas at komportableng lugar ang vaccination sites.