Iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng tinatawag na Media Security Focal Persons sa mga probinsya at mga lungsod sa buong bansa.
Ito’y upang may tututok sa pagkakaloob ng proteksyon sa mga miyembro ng media na nakatatanggap ng mga pagbabanta sa panahong nalalapit ang 2022 elections.
Ginawa ni DILG Secretary Eduardo Año ang kautusan kay PNP Chief General Dionardo Carlos bilang tugon sa kahilingan ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Sy Egco bilang pag-iingat sa posibleng pagtaas ng kaso ng karahasan sa mediamen ngayong election season.
Ayon kay Egco, hindi na dapat maulit ang Ampatuan, Maguindanao Massacre noong November 2009 na ikinasawi ng nasa 32 na media workers.
Giit ni Egco, tungkulin ng gobyerno na protektahan ang journalists na maituturing na mga frontliner para maihatid sa publiko ang mga wastong impormasyon.