Ipinagmalaki ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang National Police Clearance System (NPCS) na magpapabilis sa aplikasyon ng police clearance sa 186 istasyon ng pulis sa bansa.
Bukod dito, makakatulong din ang nasabing sistema upang maaresto ang mas maraming kriminal at malaking hakbang din ito sa pag-iwas sa krimen at pagkakaroon ng kapayapaan lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang online NPCS ay pabibilisin ang sistema ng pagsuyod sa masasamang elementong nagtatago dahil ang mga data ay magiging “synchronized nationwide” at hindi lang sa local level.
Lahat ng aplikante ay pwedeng magparehistro online o sa alinmang police station sa kanilang lugar.
Magdala lang ng dalawang valid ID, reference number at resibo ng pinagbayaran.
Ang nasabing bagong sistema ay bahagi ng digital transformation ng Philippine National Police (PNP) para maka-adapt sa new normal.
Sinabi naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na umaabot sa 1,711 PNP personnel sa buong bansa ang sumailalim sa NPCS user’s training bilang verifier, clearance personnel at help desk personnel para matiyak na magagamit nang husto ang online system.