DILG, isasailalim sa performance audit ang lahat ng mga local anti-drug abuse councils sa buong bansa

Manila, Philippines – Isasailalim sa performance audit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local anti-drug abuse councils sa buong bansa.

Sinabi ni DILG OIC Secretary Eduardo Año na kabilang sa sasakupin ng audit ay ang 81 na probinsiya, 145 na lungsod at 1,489 na munisipalidad.

Sa ilalim ng Memorandum Circular 2018-159 na ipinalabas ni Año, ang mga ADACs ay susukatin alinsunod sa sumusunod na criteria:


Aktibo at gumagana ang mga local ADAC na ito; may kumpletong dokumentasyon ng quarterly meetings; may alokasyon ng pondo para sa implementasyon ng seryosong anti-drug activities na umaalinsunod sa peace and order and public safety plan.

Sisilipin din ang mga naipatupad o lumalargang ADAC plans and programs.

Dapat ding maipakita na may pagsuporta mula sa ibat-ibang grupo ang mga ADACs sa program implementation.

Para matiyak ang integridad ng proseso, katuwang ng DILG sa performance audit, ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga civil society organizations mula sa regional, provincial at national level na dadaan sa apat na yugto.

Facebook Comments