Manila, Philippines – Kinondena ni Interior Secretary Eduardo Año ang patuloy na pag-re-recruit ng New People’s Army (NPA) sa mga out-of-school youth para mag-aklas laban sa gobyerno.
Patunay aniya rito ang mga combatant na menor de edad na napapatay sa mga engkwentro ng tropa ng gobyerno at ng NPA.
Ayon kay Año, madali kasing mamanipula ang isip ng mga kabataan kung kaya at napakadali nilang mahikayat na sumapi sa NPA.
Aniya, dapat ay nasa mga eskwelahan ang mga bata at nag-aaral sa halip na nasa kabundukan.
Magugunita na noong Mayo 19, napatay sa isang engkwentro ng 36th Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang batang NPA fighter sa Barangay Cancavan, Carmen sa Surigao del Sur.
Noong Abril 21 naman, isang 15-anyos na combatant ang napatay din sa bakbakan sa Sitio Bayongon, Barangay Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Umapela ang DILG chief sa mga kabataan na maging abala sa mga produktibong aktibidad tulad ng sports at sa sining upang hindi mahulog sa mapanlinlang na pakana ng rebeldeng grupo.