Inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na mangangailangan ng mas marami pang volunteers para sa nakatakdang pagdaraos ng ikaapat na bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ National COVID-19 Vaccination Program o ‘Bayanihan, Bakunahan 4’ sa bansa, sa ikalawang linggo ng Marso.
Una nang sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Dr. Myrna Cabotaje na ang inisyal na panukala ay maidaos ang naturang nationwide vaccination drive sa Marso 7, 2022.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na prayoridad nila na mabakunahan ang mga minors at mga senior citizen, na kabilang sa vulnerable group sa COVID-19.
Iniulat rin ng DILG chief na sa ngayon ay nasa 63 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Target ng pamahalaan na makapag-fully vaccinate ng may 77 milyong Pinoy laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso at 90 milyon naman, bago tuluyang bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.
Ani Año, upang mapalakas pa ang vaccination drive sa bansa, isinusulong na rin ng pamahalaan ang isa sa mga inisyatiba ng gobyerno, partikular ng Department of Tourism (DOT) na madala na rin ang mga bakuna sa mga tourist destinations, at hikayatin ang mga turista na magpaturok nito.