DILG, may paalala sa mga LGU hinggil sa kanilang mga hakbang kontra COVID-19

Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na huwag hihinto sa kanilang mga hakbang para labanan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Ang paalala ng DILG ay kasunod ng nakatakdang pagbubukas at pagsasagawa ng face-to-face classes.

Bukod dito, inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr., na mas maiging ipagpatuloy ang mga hakbang kontra COVID-19 lalo na’t sa huling datos ng Department of Health (DOH), umakyat ang positivity rate ng virus sa 10.6 percent na mas doble sa inaasahang threshold ng World Health Organization (WHO) na 5 percent.


Kaugnay nito, nais masiguro ni Abalos ang kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante kung saan pinaghahandaan na ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase para sa taong 2022 hanggang 2023.

Aniya, lahat ng paarala maging ang loob at labas nito ay nakakasunod sa inilatag na health safety standards ng gobyerno at mga hakbang para maiwasan ang COVID-19.

Batid ng kalihim na hindi madali ang kinakaharap na sitwasyon ng bansa at mahirap rin ang ilang mga hakbang para matapos na ang pandemya pero sa pakikipagtulungan ng LGUs at national government ay makakamit ito katuwang ang bawat isang Pilipino.

Facebook Comments