Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato kasabay ng pagsisimula ng campaign period ngayong araw.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, inatasan ni DILG Sec. Eduardo Año ang kanilang field officers na maging aktibong miyembro ng Commission on Elections (COMELEC) campaign committee.
Aniya, papatawan ng ‘stiff sanctions’ ang mga kandidato at tagasuporta ng mga ito na lalabag sa election campaign rules.
Giit pa ni Malaya, mahigpit na ipinagbabawal ang physical contact at house-to-house campaign dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Dahil dito, pinaalalahanan ng kagawaran ang mga kandidato na manguna sa pagsunod sa mga patakaran sa kasagsagan ng kampanya.
Nagpaalala rin si Malaya sa mga miyembro ng mga COMELEC campaign committee na unahin ang kapakanan ng publiko bago ang pamumulitika.