Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local candidates na nanalo sa May 2019 midterm elections na huwag balewalain ang pagsusumite sa Comelec ng Statement of Contributions and Expenses (SOCE) sa Hunyo 13.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, alinsunod sa umiiral na batas obligado ang lahat ng nanalong kandidato kabilang ang mga natalo, self-funded at mga nag-withdrew ng kandidatura na magsumite ng kanilang SOCE.
Muling nagpaalala ang DILG sa lahat na kapag mabigo sila sa pagsumite ng SOCE ay mahaharap sila sa administrative sanctions.
Binalaan din ni Malaya ang mga nanalong opisyal na hindi sila papayagang makapanungkulan kapag binalewala ang paghahain ng SOCE bago ang deadline.
Wala nang maaaring idahilan ang mga ito dahil hindi nagkulang sa paalala ang DILG ukol dito.
Nakapaloob din sa Memorandum Circular no. 2019-85 na inilabas noong Hunyo 3, lahat ng winning candidate ay kailangang magpresenta sa DILG o alinmang attached agencies ng certification mula sa Commission on Elections o Comelec na magpapatunay na sumunod sa SOCE requirements bago payagang makapanungkulan.