Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga politikong mananamantala sa pagbibigay ng ayuda sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga pangalan at mga litrato ng mga pulitiko sa ipamamahaging ayuda.
Paliwanag ni Malaya, sa ilalim ng Section 82 ng General Appropriations Act ay hindi pinahihintulutang maglagay ang mga public officials ng kanilang mukha o anumang imahe kahit appointed man o ibinoto.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Malaya ang publiko na maghain ng reklamo sa pinakamalapit na opisina ng kanilang ahensiya at kunan ng litrato ang sinumang lalabag sa nasabing kautusan.
Samantala, bubuo na rin ang ahensiya ng isang task force na layong tugunan ang mga complaint na ihahain ng constituents sakaling makaranas ng anomalya sa pamamahagi ng tulong pinansiyal.